Miyerkules, Oktubre 10, 2012

Si Ginoong Lockhart

Natanong ko minsan sa sarili ko kung bakit ko pa ninanais na gumawa ng isang palayaw sa aking "mga" blog. Hindi naman ako kilalang taong may masamang nakaraan at kinakailangang magtago sa dilim habang nagnanais na magkuwento sa aking saloobin. Hindi rin naman ako aktibista o kritiko. Lalo naman hindi ako mahilig magpanggap. Pero, bakit?

Naalala ko muli ang aking unang opisyal na sariling-bansag na palayaw: si Jeremy Lockhart. Medyo may pagka-romantiko ako noong panahon na nilikha ko ang aking pseudonym. Uso noong nasa ikalima o ikaanim na baitang ako sa isang paaralan na elementarya sa probinsiya ng Cavite ang magkaroon ng mga iba't-ibang kalandian tulad ng pagkakaroon ng 'crush' o ang mga samu't-saring 'love team' na wala o mayroong katotohanan. Kinilig ako noon sa aking mga kinahiligian na mga binibining halos kaysing-edad ko hanggang sa puntong ginawan ko na ng kuwento kung saan kami'y magkakatuluyan o napanaginipang sila'y aking mga naging asawa. Kung minsa'y pinilitan kong puwersahin na kami'y magkasama o magkatabi sa upuan o sa kung anumang okasyon tulad ng mga larawan o mga contest. Pinakamalala pa doon ang aking pagiging stalker, na minsang sinusundan ko ng hanggang saan maabot ng aking mata.

Pero nasaan napunta doon si Ginoong Lockhart? Medyo may pagkakulang sa maturity ang aking emosyonal na estado kaya kung minsan (o madalas man) ay ako'y nalulungkot at napapaiyak. Iyak siguro dahil madali akong maasar at magalit noong elementarya, pero ang aking lungkot ay nagmumula sa epekto ng aking pagkapanglaw dulot ng aking mga luha at galit na humalo sa aking mapaibig na emosyon sa aking mga tinuturing sinta. Siguro doon, nabuo ang estado ng pagiging 'locked-hearted' o ang pagiging sarado ang puso. Doon nabuo ang apelyidong Lockhart, naidagdag na lamang ang pangalang Jeremy.

Nagamit ko naman ito sa maraming mga munting kalokohan. Sa una, ito ay parte ng aking mga pag-stalk sa kungsinu-sino. Pangalawa, ito ang palayaw na ginamit na pantago sa sarili sa iba't-ibang mga gawaing pang-Internet, katulad ng blogging o pagsali sa mga forums na hindi ko naman tututukan.

Ang aking mga palayaw ay nagsisilbing bilang takip sa aking totoong pagkatao. Hindi ko ninanais makilala ng lahat bilang ako, pero bilang ako sa ibang pangalan. Hindi naman sa takot ako na mawalan ng kung ano. Wala namang mahalagang mawawala sa akin kundi ang aking kaalaman at buhay. Pero para sa isang taong nabahiran na ng mga permanenteng tatak mula sa mga isip-batang kasama, wala na akong magagawa kundi magtago.

Ebolusyon at Reklamasyon

Kung inyo'y mapapansin, ang blog na ito ay nakalaan lamang para sa isang layunin: ang makapasa sa asignaturang Filipino sa ikaapat na taon ng pamamalagi bilang mag-aaral ng Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila. Nakasulat rito ang aming mga pambihirang pananaw ukol sa mga piling paksa ayon sa isang ayos na lista na bigay ng aming guro sa asignaturang Filipino.

Sa ngayon, lahat kaming manunulat dito sa blog ay nakapag-graduate na sa mataas na paaralan at nakatungtong na sa unang taon sa kolehiyo. Halos wala na kaming koneksyon sa isa't-isa, maliban sa mga alaalang inukit namin sa utak ng bawat isa at sa mga sandaling nagkakamustahan kami sa tabi-tabi.

Sapagkat itong blog ay nawalan na ng silbi at naging isang nasayang na espasyo sa isang lumalawak na Internet, naisip ko na sagipin ito at ituring bilang akin. Ngunit, ipapanatili ko ang titulo at domain name ng blog upang maging paalala nang naging silbi nitong sayang na espasyo.

Ayun lamang ang masasabi ko sa ngayon. Hanggang sa muli.