Natanong ko minsan sa sarili ko kung bakit ko pa ninanais na gumawa ng isang palayaw sa aking "mga" blog. Hindi naman ako kilalang taong may masamang nakaraan at kinakailangang magtago sa dilim habang nagnanais na magkuwento sa aking saloobin. Hindi rin naman ako aktibista o kritiko. Lalo naman hindi ako mahilig magpanggap. Pero, bakit?
Naalala ko muli ang aking unang opisyal na sariling-bansag na palayaw: si Jeremy Lockhart. Medyo may pagka-romantiko ako noong panahon na nilikha ko ang aking pseudonym. Uso noong nasa ikalima o ikaanim na baitang ako sa isang paaralan na elementarya sa probinsiya ng Cavite ang magkaroon ng mga iba't-ibang kalandian tulad ng pagkakaroon ng 'crush' o ang mga samu't-saring 'love team' na wala o mayroong katotohanan. Kinilig ako noon sa aking mga kinahiligian na mga binibining halos kaysing-edad ko hanggang sa puntong ginawan ko na ng kuwento kung saan kami'y magkakatuluyan o napanaginipang sila'y aking mga naging asawa. Kung minsa'y pinilitan kong puwersahin na kami'y magkasama o magkatabi sa upuan o sa kung anumang okasyon tulad ng mga larawan o mga contest. Pinakamalala pa doon ang aking pagiging stalker, na minsang sinusundan ko ng hanggang saan maabot ng aking mata.
Pero nasaan napunta doon si Ginoong Lockhart? Medyo may pagkakulang sa maturity ang aking emosyonal na estado kaya kung minsan (o madalas man) ay ako'y nalulungkot at napapaiyak. Iyak siguro dahil madali akong maasar at magalit noong elementarya, pero ang aking lungkot ay nagmumula sa epekto ng aking pagkapanglaw dulot ng aking mga luha at galit na humalo sa aking mapaibig na emosyon sa aking mga tinuturing sinta. Siguro doon, nabuo ang estado ng pagiging 'locked-hearted' o ang pagiging sarado ang puso. Doon nabuo ang apelyidong Lockhart, naidagdag na lamang ang pangalang Jeremy.
Nagamit ko naman ito sa maraming mga munting kalokohan. Sa una, ito ay parte ng aking mga pag-stalk sa kungsinu-sino. Pangalawa, ito ang palayaw na ginamit na pantago sa sarili sa iba't-ibang mga gawaing pang-Internet, katulad ng blogging o pagsali sa mga forums na hindi ko naman tututukan.
Ang aking mga palayaw ay nagsisilbing bilang takip sa aking totoong pagkatao. Hindi ko ninanais makilala ng lahat bilang ako, pero bilang ako sa ibang pangalan. Hindi naman sa takot ako na mawalan ng kung ano. Wala namang mahalagang mawawala sa akin kundi ang aking kaalaman at buhay. Pero para sa isang taong nabahiran na ng mga permanenteng tatak mula sa mga isip-batang kasama, wala na akong magagawa kundi magtago.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento