Natanong ko minsan sa sarili ko kung bakit ko pa ninanais na gumawa ng isang palayaw sa aking "mga" blog. Hindi naman ako kilalang taong may masamang nakaraan at kinakailangang magtago sa dilim habang nagnanais na magkuwento sa aking saloobin. Hindi rin naman ako aktibista o kritiko. Lalo naman hindi ako mahilig magpanggap. Pero, bakit?
Naalala ko muli ang aking unang opisyal na sariling-bansag na palayaw: si Jeremy Lockhart. Medyo may pagka-romantiko ako noong panahon na nilikha ko ang aking pseudonym. Uso noong nasa ikalima o ikaanim na baitang ako sa isang paaralan na elementarya sa probinsiya ng Cavite ang magkaroon ng mga iba't-ibang kalandian tulad ng pagkakaroon ng 'crush' o ang mga samu't-saring 'love team' na wala o mayroong katotohanan. Kinilig ako noon sa aking mga kinahiligian na mga binibining halos kaysing-edad ko hanggang sa puntong ginawan ko na ng kuwento kung saan kami'y magkakatuluyan o napanaginipang sila'y aking mga naging asawa. Kung minsa'y pinilitan kong puwersahin na kami'y magkasama o magkatabi sa upuan o sa kung anumang okasyon tulad ng mga larawan o mga contest. Pinakamalala pa doon ang aking pagiging stalker, na minsang sinusundan ko ng hanggang saan maabot ng aking mata.
Pero nasaan napunta doon si Ginoong Lockhart? Medyo may pagkakulang sa maturity ang aking emosyonal na estado kaya kung minsan (o madalas man) ay ako'y nalulungkot at napapaiyak. Iyak siguro dahil madali akong maasar at magalit noong elementarya, pero ang aking lungkot ay nagmumula sa epekto ng aking pagkapanglaw dulot ng aking mga luha at galit na humalo sa aking mapaibig na emosyon sa aking mga tinuturing sinta. Siguro doon, nabuo ang estado ng pagiging 'locked-hearted' o ang pagiging sarado ang puso. Doon nabuo ang apelyidong Lockhart, naidagdag na lamang ang pangalang Jeremy.
Nagamit ko naman ito sa maraming mga munting kalokohan. Sa una, ito ay parte ng aking mga pag-stalk sa kungsinu-sino. Pangalawa, ito ang palayaw na ginamit na pantago sa sarili sa iba't-ibang mga gawaing pang-Internet, katulad ng blogging o pagsali sa mga forums na hindi ko naman tututukan.
Ang aking mga palayaw ay nagsisilbing bilang takip sa aking totoong pagkatao. Hindi ko ninanais makilala ng lahat bilang ako, pero bilang ako sa ibang pangalan. Hindi naman sa takot ako na mawalan ng kung ano. Wala namang mahalagang mawawala sa akin kundi ang aking kaalaman at buhay. Pero para sa isang taong nabahiran na ng mga permanenteng tatak mula sa mga isip-batang kasama, wala na akong magagawa kundi magtago.
Mga Muni-muni ng mga Ermitanyong Agila
Miyerkules, Oktubre 10, 2012
Ebolusyon at Reklamasyon
Kung inyo'y mapapansin, ang blog na ito ay nakalaan lamang para sa isang layunin: ang makapasa sa asignaturang Filipino sa ikaapat na taon ng pamamalagi bilang mag-aaral ng Mataas na Paaralan ng Ateneo de Manila. Nakasulat rito ang aming mga pambihirang pananaw ukol sa mga piling paksa ayon sa isang ayos na lista na bigay ng aming guro sa asignaturang Filipino.
Sa ngayon, lahat kaming manunulat dito sa blog ay nakapag-graduate na sa mataas na paaralan at nakatungtong na sa unang taon sa kolehiyo. Halos wala na kaming koneksyon sa isa't-isa, maliban sa mga alaalang inukit namin sa utak ng bawat isa at sa mga sandaling nagkakamustahan kami sa tabi-tabi.
Sapagkat itong blog ay nawalan na ng silbi at naging isang nasayang na espasyo sa isang lumalawak na Internet, naisip ko na sagipin ito at ituring bilang akin. Ngunit, ipapanatili ko ang titulo at domain name ng blog upang maging paalala nang naging silbi nitong sayang na espasyo.
Ayun lamang ang masasabi ko sa ngayon. Hanggang sa muli.
Sa ngayon, lahat kaming manunulat dito sa blog ay nakapag-graduate na sa mataas na paaralan at nakatungtong na sa unang taon sa kolehiyo. Halos wala na kaming koneksyon sa isa't-isa, maliban sa mga alaalang inukit namin sa utak ng bawat isa at sa mga sandaling nagkakamustahan kami sa tabi-tabi.
Sapagkat itong blog ay nawalan na ng silbi at naging isang nasayang na espasyo sa isang lumalawak na Internet, naisip ko na sagipin ito at ituring bilang akin. Ngunit, ipapanatili ko ang titulo at domain name ng blog upang maging paalala nang naging silbi nitong sayang na espasyo.
Ayun lamang ang masasabi ko sa ngayon. Hanggang sa muli.
Linggo, Marso 4, 2012
Ang Kantang "Ligaya" ng Eraserheads - sa Formalistang Pananaw
Pinapakita sa kantang ito ang pormalismo. May isang lalaki na hindi pinangalanan ang patay na patay sa isang babaeng pinangalanan na ligaya. Liniligawan ng lalaki ang babae sa pamamagitan ng pagkanta at iba pa. Gagawin rin lahat ng lalaki ang kanyang makakaya upang maipasagot lang ang kanyang minimithing babae na si ligaya tulad nalang ng pag gawa niya ng “thesis” ng babae. Pinapakita dito ang hangarin ng lalaki na mapasagot ang babae.
(May-akda: Joseph Benjamin Perez mula sa klase ng 4-L)
Miyerkules, Pebrero 29, 2012
Ang Patalastas ng Gawad Kalinga na Pinamagatang "Bayanihan" - sa Marxista at Feministang Pananaw
Ang “Bayanihan” ay isang palabas na nagpapakita ng maraming mga simbolismo sa loob ng ating lipunan. Ito ay nagpapakita ng Marxistang pananaw dahil makikita rito ang pagkahati sa ating lipunan. Mayroong mga mahihirap at mayroon ding mga mayayaman. Sa palabas, pinakita na nagtutulungan ang mga mahihirap upang makaahon sila sa kahirapan. Sa pamamagitan ng pagsama-sama nila sa pagbubuhat ng mga kalunos-lunos nilang tirahan, makikita rito ang kanilang paglaban sa kahirapan. Binuhat nila ang mga ito at itinapon sa bangin. Ito ang simbolong ginamit upang wakasin na ang kanilang pagdurusa. Lahat ng mga mahihirap, bata man o babae, ay nakibahagi sa pagtapos ng kanilang kahirapan. Ang mga bata ay nagbigay ng suporta sa pamamagitan ng pag-alay ng inumin sa mga nagbubuhat. Ang mga babae naman ay nakisama sa pagbubuhat ng mga tirahan. Sa Maristang pananaw rin, makikita na hindi tumutulong ang mga mayayaman sa mga mahihirap. Ang mga mismong mahihirap lamang ang nagkakaisa upang itigil ang kanilang paghihirap. Walang makikita na mayaman na nakibahagi ng kanilang oras at serbisyo sa mga mahihirap na tao. Napapabayaan ang mga mahihirap at hindi na sila napapansin. Sa huling bahagi ng palabas ay ay makikita ang paghingi ng suporta ng mga mahihirap sa mga mayayaman. Kung magtutulungan ang lahat, mayaman at mahirap, mas madaling mawawala ang kahirapan. Nakakalimutan na kasi ng mga mayayaman ang kanilang papel sa lipunan na tumulong sa mga mas mababa sa kanila. Responsibilidad nilang makibahagi ng kanilang oras at serbisyo sa mga mahihirap. Sa kabilang panig naman, makikita rin ang pagbubuwag sa Feminismong pananaw sa pagpapakita ng kakayahan ng mga babae na makibahagi rin at tumulong sa mga kalalakihan. Pati mismong mga babae ay nakibuhat din katabi ng mga lalaki. Makikita rito ang pagkapantay ng mga lalaki at babae. Kaya ring gawin ng mga kababaihan ang mga ginagawa ng kalalakihan upang tapusin ang kanilang kahirapan. Hindi makikita ang pagkahiwalay ng mga babae sa mga lalaki. Sa kabuuan, kailangan magtulungan ng lahat ng mga tao, mayaman at mahirap, babae man o lalaki, upang tuluyuan ng mawala ang kahirapan sa Pilipinas.
(May-akda: Angelino Mari Wilfred Molano mula sa klase ng 4-L)
Ang Kantang "Ang Huling El Bimbo" ng Eraserheads - sa Formalistang Pananaw
Sinimulan ng may-akda ang kantang
“Ang Huling El Bimbo” sa pamamagitan ng pagbabalik-tanaw ng persona ng awit sa
kaniyang unang mga alaala ng kaniyang kaibigang babae. Ikinumpara ng persona
ang katangian ng mukha ng kaniyang kaibigan kay Paraluman, isang sikat na
artistang pampelikula noong dekada kuwarenta hanggang dekada sitenta. Bukod
dito, ipinahiwatig ng persona ang kagalingan ng kaniyang kaibigan sa pagsasayaw
ng iba’t-ibang mga istilo, tulad ng Boogie, Cha-cha, at El Bimbo.
Sa may koro ay ipinahiwatig ng
may-akda ang madetalyeng pangyayari kung saan nakipag-sayawan siya sa kaniyang
kaibigan. Sa pagpapahiwatig ng persona ng “pagkahawak ng kanilang kamay nang
walang kamalay-malay” at kaniyang pagkatuto ng pag-ibig mula sa pagsasayaw ng
El Bimbo, makikita natin na meron siyang emosyon para sa kaibigan niyang babae.
Bukod sa koro, ebidensiya rin ng
pagkakagusto ng persona sa kaniyang kaibigan sa ikalawang istanza. Makikita dito
mismo ang kaniyang pagkatulala habang sumasayaw ang kaniyang kaibigan.
Madetalye niyang inilarawan ang nakatitigas at nakamamatay na galaw habang sila’y
sumasayaw. Maliban dito, inamin na ng persona ang kaniyang ninanais sabihin ang
kaniyang nararamdaman para sa kaniyang kaibigan. Ngunit ramdam ng
tagapagsalaysay na hindi tama ang oras para ipahiwatig niya ang kaniyang
nararamdaman para sa dahilang hindi nakasaad sa akda.
Sa sumunod na istanza, ikinumpleto
ng may-akda ang kuwento sa pagitan ng persona at ang kaniyang kaibigan sa
pamamagitan ng pagbabalik sa kasalukuyang panahon, kung saan pagkalipas ng
maraming panahon ay maraming pinagdaanang hirap ang kaniyang kaibigang babae.
Dahil matagal na silang hindi nagkikita o kahit naguusap man mula sa kanilang
pagkabata, narinig lamang ng persona ang kaniyang pinaggagawa sa malas na
pagkamatay ng kaniyang kaibigang babae na binawian ng buhay nang isang gabi ay
masagasaan siya sa madilim na eskinita.
Sa ikatlong istanza ay ipinapakita
ang kinahantungan ng babaeng kaibigan ng persona nang lumipas ang panahon. Sa
muling pagbabasa ng lyriko ng akda ay masasabi natin na minalas ang babaeng
kaibigan sa buhay at naging mahirap. Maliban doon, sinasabi ng istanza na siya’y
may anak ngunit walang asawa. Pwedeng mahiniha na naging isang “prostitute” ang
kaibigan ng persona o naghiwalay lamang sa kaniyang asawa o syota ngunit
nakagawa na ng anak dahil sa kanilang pagmamahalan. Dagdag pa rito ang kanyang
miserableng trabaho bilang isang tagahugas ng pinggan sa Ermita, na
magmimistulang pagsasayang sa kaniyang abilidad na sumayaw at natatanging
pangsuporta niya sa kaniyang anak at pang-araw-araw na buhay. Ang pagsasaad ng
may-akda na ang babaeng kaibigan ay nagtatrabaho sa Ermita ay nagbibigay
suporta sa hinuhang siya’y isang “prostitute” dahil ang lugar na ito ay sikat
sa pagkakaroon ng maraming bar at mga hotel.
Sa huling parte ng akda ay
sinasabi na persona na naglaho na ang kaniyang mga pangarap na sila’y makasama
muli. Ngunit, sinabi rin niya na hanggang sa panaginip na lamang niya makikita
(at kung mangyayari, makasayaw) ang kaibigan niya dahil, kahit natunaw na ang
kaniyang mga pangarap ay tuluyan pa rin niyang minamahal yung babae.
(May-akda: Angelo Barredo mula sa klase ng 4-L)
Ang Patalastas ng McDonald's na Pinamagatang "Night Out" - sa Feministang Pananaw
Sa umpisa ng pelikula ay ipinakita ang dalawang babae na kumakain ng Mcdonald’s na Sundae sa isang paradahan. Nang maubos ang kanilang kinakain ay inaya nila ang isa’t isa na bumili ng Sundae muli. Ang kapansin pansin ay ang paglagay nila ng make-up at pag-aayos ng kanilang suot bago bumili muli. Yung unang babae ay naglabas ng barya bago paandarin ang sasakyan. Sa umpisa pa lang ay makikita na kaagad ang mga feminismo . Ang mismong paglabas ng mga babae ng gabi ay nagpapakita ng katapangan ng babae. Dati ay hindi pinapayagan ang mga babae lumabas ng gabi kasi delikado sila pagdating ng mga oras na ito. Maaari silang makaranas ng karahasan tulad na lamang nang pag-kidnap, paggahasa o di kaya manakawan pagdating ng mga oras na ito. Sa paglagay ng mga babae ng make-up ay ipinaparating ng pelikula na ang mga babae ay parating inaalala ang kanilang mga itsura. Maliban sa negatibong pananaw na ito, ay ipinakita rin naman ang pagiging makasarili ng mga babae nang ipinakitang kaya nilang magmaneho ng sasakyan. Sa mga sumusunod na parte ng pelikula ay ipinakita ang rason ng kanilang pagbili muli. Balak kasi ng dalawang babae na makita muli ang gwapong kahero ng Mcdo, na alam na rin ang bibilihin ng dalawng malanding babae. Ipinapakita sa maikling parte na ito ang stereotype na ang mga babae ay malalandi pagdating sa mga lalaki. Isa pang halatang kaugalian ng babae ay ang kanilang malalanding boses na ipinaparating na sila ay nagpapapansin at kinikilig. Hindi lang ito kundi ipinakita rin ang kanilang katalinuhan dahil pinatagal nila ang kanilang pakikipagkita sa lalaki sa pagbibigay ng barya upang bayaran ang mga pagkain. Maikukumpara ang pagbigay ng mga babae ng barya sa kanilang ugaling pagpapakipot kung saan hindi agad-agad ipinapahalata ng babaeang kaniyang kagustuhan ngunit ipinapaasa muna ang lalaki o paunti-unting ipinaparamdam. Masasabi ko na pantay lang ang mga positibo at negatibong pagsusuri sa mga kababaihan na makikita sa pelikula at mabuti na rin dahil patas lang naman dapat talaga ang pagtingin ng lahat tao sa bawat isa, maging ano man ang uri nito.
(May-akda: Jose Luis Mendoza mula sa klase ng 4-L)
Ang Kantang "Tindahan ni Aling Nena" ng Eraserheads - sa Feministang Pananaw
Ang Feminismong pananaw sa kantang, “Tindahan ni Aling Nena” ay para siyang kuwentong pambata dahil mayroon isang lalaki bumibili sa tindahan ni Aling Nena na may nakita siyang dalaga na nagustuhan niya at gusto niya itong makilala. Ngunit, hindi ito pinapayagan ng nanay ng dalaga na si Aling Nena. Nagsasayang lang raw ang lalaki ng oras sa kanyang kagustuhan na makilala ang dalaga dahil aalis na rin naman raw ang dalaga papuntang Canada sa loob ng tatlong araw. Desidido parin ang lalaki at nagmakaawa ipakilala siya sa dalaga. Pumayag naman si Aling Nena ngunit sa isang kondisyon, parating bibili dapat ang lalaki sa tindahan ni Aling Nena. Ngunit nung na pa kilala na ang lalaki sa dalaga, binaliwala lamang ng dalaga ang pag kilala sa lalaki. Sa huli, wala lang ang nangyari sa kanila ng dalaga. Doon na sawi ang puso ng lalaki na sa rami nang ginawa niya para lang makilala ang dalaga na nauwi lamang ito sa pagbaliwala ng dalaga sa kanya. Sa Feminismong pananaw, maipapakita na ang babae ay hindi madaling makuha sa simpleng bagay lamang, dapat may gagawin ang lalaki na kakaiba para makuha ang babaeng gusto niya. Sa kantang ito ipinapakita rin na ang babae ay puwedeng tumanggi sa mga alok ng mga lalaki. Hindi natatakot ang babae sa kantang ito dahil ang lalaki ang may kailangan sa babae rito para makuha ang dalaga na gusto niya. Ipinapakita rin na kayang mag trabaho ng mga babae katulad ni Aling Nena na siya ang nag titinda sa tindahan nila at kaya rin niyang buhayin ang kanyang anak na dalaga. Si Aling Nena sa kantang ito ay mas makapangyarihan sa lalaki dahil ang gusto nung lalaki ay anak ni Aling Nena kaya si Aling Nena ang dapat masunod at kung gusto nga talaga nung lalaki makapagkilala sa dalaga, dapat sundin niya ang lahat ng kagustuhan ni Aling Nena. Ipinakita rito na may kapangyarihan ang babae o ang mga nanay sa kanilang mga anak dahil sila ang nagpalaki sa kanila. Sa kantang ito hindi binaliwala ang mga babae dahil isinusulong nito ang mga karapatan ng mga babae sa sarili at sa kanilang kapwa. Ipinapakita rin na hindi parating mas makapangyarihan ang mga lalaki sa mga babae, minsan baliktad ito na ang mas nakakataas ay ang mga babae depende sa sitwasyon na kailangan. Ang punto ng kanta ay hindi parati ang lalaki ang mas makapangyarihan at hindi lahat ng gusto ng lalaki sa babae ay nakukuha nila sapagkat puwedeng tumanggi ang babae sa mga lalaki.
(May-akda: Cyril Tan mula sa klase ng 4-L)
Mag-subscribe sa:
Mga Komento (Atom)