Martes, Pebrero 28, 2012

Ang Kantang "Magasin" ng Eraserheads - sa Feministang Pananaw

Ang kantang Magasin ng bandang Eraserheads ay tungkol sa isang lalaki at ang kanyang dating nobyang ngayo’y model na ng isang magasin. Nakita ng lalaki ang nobya niyang ito sa cover ng isang magasin na ‘di niya mabili sapagkat kulang ang kanyang pera. Nang nabili na niya ito, bigla niyang napansing isa pala itong bastos na magasin.

Sa peminismong pananaw, pinapakita sa kantang ito ang isang pag-iisip na ‘di sang ayon sa pagkapantay-pantay at respetong pinaglalaban ng mga peminista.

“Sana'y walang problema pagka't kulang ang dala kong perang

pambili... pambili sa mukha mong maganda”


Sa simula palang ng kanta’y pinakikita na ang mga babae na tila isang bagay na maaaring bilhin ng pera o sa Ingles ay tinatawag na isang commodity. Ito’y isang maling pananaw tungo sa mga babae sapagkat tulad natin, sila rin ay mga tao na nararapat lamang bigyan ng respeto’t dignidad. Dapat silang tratuhin ng may pagpapahalaga sa kanilang katauhan.

“Nakita kita sa isang magasin at sa sobrang gulat hindi ko napansin

Bastos pala ang pamagat, dalidaliang binuklat, at ako'y

namulat sa hubad na katotohanan”


Sa bandang pagtatapos ng kanta’y pinapakilala naman ang mga babae tila isang panibagong tao, ngunit tutol parin sa isang peminismong pananaw. Dito’y pinapakita sila bilang mga sexual na bagay. Napakita ito sapagka’t kahit tila gulat na gulat ang persona ng kanta sa simula, sa pagtatapos ng kanta’y parang tinanggap nalang din niyang isang model ng sexual na magasin ang kanyang dating nobya, at hiniling pa niyang sana’y centrefold na ito sa susunod na magasin.

Ang mga pinahihiwatig ng kantang ito’y tumututol sa mga sinusubukang ituro ng peminismong pananaw – na ang mga babae’y tao rin tulad natin at nararapat lamang na sila’y tratuhin ng may respeto. Dahil sa mga materyal tulad ng kantang Magasin, patuloy na humihirap ang labang ito para gawing pantay ang pagtingin sa mga babae. Nagiging isyu sa lipunan ang sexualidad at tuluyang lumalaki ang pagitan sa pagitan ng mga babae’t lalaki.

(May-akda: John Joel Gavino mula sa klase ng 4-L)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento